Nasaan ka na ba?
Sa tagal kong naghihintay, hindi ko mawari kung ikaw ba ang nawawala… o ako ba?
Nasaan ka na ba?
Ikaw ba ay nakalubog sa alaala ng kahapon at nahihirapang makaahon?
O di naman kaya’y nasa pagitan ka pa ng dalawang hati ng puso mong nawasak nang gumuhu ang tiwala sa kwentong isinulat lamang upang burahin ng nagpanggap na tadhana?
Nasaan ka na ba?
Dahil hinihintay kita sa dalampasigan ng pag-asa
— kung saan naroon ang bangkang maghahatid sa atin sa walang hanggang hampas ng alon ng pag-ibig
— kung saan hindi natin matanaw ang bakas ng kahapon
— kung saan sabay nating matatagpuan ang tamang panahon
— kung saan ang alat ng tubig dagat ay mag hihilom sa pait ng nakaraan
— kung saan ang halik ng hangin ay dadampi sa ating mga pisngi upang mamutawi ang ngiting kay tagal ding nalagay sa tahimik
— kung saan ang bawat yapak ng ating mga paa ay magbabakas ng bagong kwentong isinulat ng tunay na Maylikha.
Ang kwento natin ay hindi magsisimula sa ngiti para lang matuldukan ng luha sa huli.
Hindi tayo magkakalapit para lang din magkalayo.
Hindi tayo magiging magkaibigan para lang din mauwi sa pagiging dayuhan.
Hindi mo ako hahalikan para lang din sampalin ng sakit ng hiwalayan.
Nasaan ka na ba?
Dahil nandito na ako.
Ako yung babaeng hinugot sa iyong tadyang; hinulma ng Maykapal upang sa iyo ay umibig nang tapat at totoo.
Ako yung kagandahan na kahit man kumupas sa panlabas ay mananatili sa kalooban.
Hindi ako si Moira, pero ako yung magsusulat ng mga kanta para lapatan mo ng musika.
Hindi ako si Sarah G., pero ako yung bubura ng mga masasakit na ala-ala mula pa noong “dati.”
Hindi ako Avenger, pero ako ang endgame mo.
Ako ang “Maria” sa iyong “Jose.”
Ako ang pangakong nagkatawang-tao.
Ako ang panalangin mo at ikaw naman ang sagot sa dasal ko.
Oo, ikaw…
Ikaw ang magiting na mandirigmang ipaglalaban ang pag-ibig mo para sa akin.
Ikaw ang “Ibarra” sa aking “Maria Clara.”
Ikaw yung taong laging nandiyan, sa kalungkutan man o kasiyahan.
Oo, ikaw… Ikaw yung taong yun.
Ikaw yung walang sawang maglalambing sa akin mula nung niligawan mo ako hanggang sa maging tayo.
Ikaw yung taong susuyuin ako kahit ilang taon pa ang lumipas mula nung binigay ko ang matamis kong “oo.”
At hindi….
Hindi ka katulad ng iba.
Hindi mo gagamitin ang mga matalinghagang salita para lang pakiligin ako upang i-friend-zone lang sa dulo.
Dahil hindi ka paasa.
Hindi ka salamangkero na bigla nalang nawawala lalo na sa mga oras na kailangan ko ng kausap at unawa.
Alam kong iba ka sa lahat; bukod tangi sa nakararami.
Ganoon din naman ako sa’yo, dahil tayo ay pinagbuklod mula pa noong una hanggang sa dulo.
Aaminin kong may iilan na ring napagkamalan kong ikaw.
Tulad mo marahil, ilang beses na rin akong nagkamali, naniwala, nabiktima ng huwad na pag-ibig.
Pero naniniwala ako na nandiyan ka.
Sabi nila ang mga matitinong lalaki raw ay mas kaunti pa kaysa sa tapat na abogado at kongresista.
Hindi ko alam kung gaano katotoo iyon…
Ngunit gayun pa man, naniniwala ako na ang langit at ang lupa ay guguho para lang tayo ay magkatagpo.
Kaya hihintayin kita.
Pero habang naghihintay ako, may pakiusap lang sana ako sa’yo.
Tulungan mo rin akong maniwala.
Tulungan mo akong ipanalangin ka.
Tulungan mo akong ipanalangin ang “tayo.”
Nandito lang ako.
Nasaan ka na ba?