Siya lang…
Siya lang yung nagtiyagang suyuin ako kahit pa noon ay hindi ko maintindihan ang sinasabi niyang pagmamahal.
Siya lang yung hindi takot sabihin, iparamdam, at ipakita na totoo ang pag-ibig na nilalaan niya sa’kin.
Siya yung binigyan ako ng pag-asa pero hindi naging paasa.
Siya lang yung naghintay at hindi sumuko hangga’t mapatunayan niya sa akin na wagas at walang halong bola o patola ang pagtingin niya.
Siya lang yung bumukas sa puso ko nang ganito, maintindihan kung paano siya ilang beses nabigo, pero pinili niyang mahalin parin ako.
Siya lang yung nagparanas sa akin na karapat-dapat din akong mahalin, na karapat-dapat akong pangitiin, na karapat-dapat akong hanapin at ibigin.
Siya lang yung hindi ako kailanman sinabihan ng masama–bagkus ay palagi siyang naniniwalang maganda ako, na magaling ako, na kaya ko, na mabuti ako, na katanggap-tanggap ako.
Siya lang…
Siya lang yung handa akong pakinggan sa mga masasaya o malungkot kong pinagdaanan.
Siya lang yung handang tumigil para lang magbigay oras sa akin kapag kailangan ko ng karamay o kausap.
Siya lang yung hindi nagsasawang pakinggan ang mga kwento kong walang kwenta.
Siya lang yung hindi ako pinagsabihan na pabebe ako kahit ilang beses na akong umiyak sa harap niya.
Paulit ulit. Paulit ulit akong nagsusumbong sa kaniya, at hindi siya kailanman humingi ng pasensya dahil baka pagod na siya, baka hindi na niya ako kaya, baka kailangan niya rin ng space dahil kailangan din niya ang sarili niya.
Siya lang…
Siya lang yung hindi ako iniwan.
Siya lang yung hindi ako kailanman na-seen zone.
Kapag pagod na ang halat, siya lang yung laging nandiyan.
Siya lang yung may tamang sagot sa lahat ng mga katanungan ko sa buhay.
Siya lang yung pipiliin parin ako kahit ilang beses na akong nagkamali.
Siya yung hindi marunong manghusga dahil punong-puno ng pag-ibig ang puso niya.
Siya lang…
Si Lord lang at ang pag-ibig niyang walang hanggan.
❤️